-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa apat na parsela ng ni-reclaim na lupain sa Taguig City ang natukoy na may umano’y “fraudulently” inisyu ang titulo, ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson.

Inilabas ni Lacson ang mga detalye matapos siyang paulit-ulit umano siya na hiningan ng ebidensiya ni Senate Minoriy Leader Alan Peter Cayetano kaugnay ng kanyang naunang pagbunyag sa umano’y ilegal na reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.

Kabilang sa apat na parsela ang isang 9,204-square-meter na lupa na sakop ng Administrative Patent at may Original Certificate of Title o OCT; isang 5,000-square-meter na lupa na dumaan sa Judicial o Ordinary Land Registration Processing at may OCT; isang 181,077-square-meter na lupa na sakop ng Homestead Patent at may Transfer Certificate of Title o TCT; at isang 193,027-square-meter na parsela na may TCT.

Hindi muna inilabas ni Lacson ang mga pangalan ng mga pinagkalooban ng mga titulo at ang mga numero ng OCT at TCT dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Ayon sa senador, apat pang parsela ang walang plotted titled lots sa digital files ng Land Registration Authority o LRA.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ni Lacson na sinusuri ng LRA ang pinagmulan at kasaysayan ng mga titulo na sumasaklaw sa tinatayang 38.83 ektarya ng ilegal na ni-reclaim na lupain sa Laguna Lake.

Batay aniya ang mga natuklasang titulo sa mga dokumentong ibinigay ng Philippine Reclamation Authority o PRA sa kanyang tanggapan.Mag-book Ng Island-Tour

Sinabi ni Lacson na hihilingin niyang i-backtrack ng LRA ang kasaysayan ng mga titulo upang matukoy kung paano umano minanipula ang mga ito at matukoy ang mga maaaring managot sa kasong kriminal.

Maaari rin umanong ideklarang walang bisa mula pa sa simula ang mga naturang titulo kapag nagpasimula ang PRA ng forfeiture proceedings alinsunod sa batas.

Sinabi rin ni Lacson na nakatakda ring i-turn over sa Office of the Ombudsman ang ilang crates ng mga dokumento mula sa DPWH na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig City.

Samantala, sinubukan nang hingin ng bombo radyo philippines ang panig ni Cayetano sa mga alegasyon ngunit hindi na pa ito tumutugon sa kasalukuyan.

Matatandaan na naunan nang itinanggi ng senador ang mga alegasyon ng mga umano’y “ghost” projects sa Taguig City. Binigyang-diin din ni Cayetano na handa siyang sagutin ang mga alegasyon ni Lacson kung mayroon itong maipapakitang mga ebidensya.