-- ADVERTISEMENT --

Nagpaabot ang Philippine Red Cross (PRC) ng kabuuang P7.43 milyong cash assistance sa 743 pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at Davao Occidental noong Martes, Oktubre 27, 2026.

Sa pakikipagtulungan sa International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC), ipinamahagi ng ahensya ang Multipurpose Cash Grants bilang bahagi ng patuloy nitong humanitarian response sa rehiyon.

Sa bayan ng Malapatan, Sarangani, humigit-kumulang 323 pamilya ang nakatanggap ng tig-P10,000 na may kabuuang halagang P3.23 milyon sa ginanap na pamamahagi sa Barangay Sapu Masla Covered Court.

Samantala, nakatanggap naman ng kabuuang P4.2 milyon ang 420 pamilyang naapektuhan mula sa bayan ng Jose Abad Santos sa lalawigan ng Davao Occidental.

Nagtalaga ang PRC ng 47 staff at mga boluntaryo upang pangasiwaan ang pamimigay ng tulong-pinansyal upang matulungan ang mga nasalanta na makabangon at matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit naman ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon na nagbibigay ng dignidad sa mga pamilya ang cash assistance upang sila ang makapili ng kanilang kailangan sa pagbangon, kasabay ng pangakong mananatili ang Red Cross hanggang sa muling makatayo ang mga komunidad.