-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na patuloy na kikilos ang House of Representatives upang mapagaan ang epekto ng tumitinding tensyon at digmaan sa Middle East sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon sa Speaker, bagama’t malayo ang kaguluhan sa bansa, ramdam ng mga Pilipino ang epekto nito lalo na sa pagtaas ng presyo ng langis, na nagdudulot ng pagmahal ng pamasahe, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Binigyang-diin ni Dy na isusulong ng Kamara, katuwang ang ehekutibo, ang mga priority bills at hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga manggagawa, commuter, magsasaka, at maliliit na negosyo.

Dagdag pa ni Speaker Dy, patuloy na tututok ang Kongreso sa mga patakarang magpapalakas sa ekonomiya at magpoprotekta sa kabuhayan ng mga mamamayan.

Iginiit din ng Speaker na tulad ng mga nakaraang krisis na nalampasan ng bansa, malalampasan din ng mga Pilipino ang kasalukuyang hamon sa pamamagitan ng pagkakaisa sa pagtutulungan.

-- ADVERTISEMENT --