-- ADVERTISEMENT --

ASTURIAS,CEBU- Patay ang isang binata habang nasa kritikal na kondisyon ang kanyang dalawang kapatid matapos silang brutal na tinadtad ng kanilang tiyuhin sa Barangay Owak, bayan ng Asturias, kanlurang Cebu noong Miyerkules ng madaling araw, Hulyo 2, 2025.
Kinilala ang suspek na si George Batomalaque, 46, na mabilis na naaresto matapos ang inilunsad na manhunt operation ng Asturias Municipal Police sa Barangay Vito, karatig bayan ng Balamban, kung saan ito inaresto matapos sumuko sa isang opisyal.

Habang ang mga biktima ay nakilalang sina Kyle Padilla, 18, na idineklarang dead-on-arrival sa isang pampublikong ospital sa Cebu City dahil sa mga saksak na natamo mula sa matalim na 12-pulgadang kutsilyo na ginamit ng suspek.

Ang iba pang biktima ay sina alyas “Gerald”, 10-taong gulang, at alyas “Princess”, walong taong gulang, na nasa kritikal na kondisyon sa ospital dahil sa mga saksak na natamo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, natutulog ang mga biktima sa kanilang sariling silid nang salakayin sila ng suspek.

Nabatid na nakatakbo si Princess matapos itong masaksak at nakahingi pa ng tulong sa mga kapitbahay.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek habang patungo ang mga pulis at emergency response team para tulungan ang mga biktima.

Nagtamo rin ng mga sugat sa ulo, noo, likod, at iba pang bahagi ng katawan ang mga biktima kung saan si Kyle ang malubhang nasugatan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sinabi ng Asturias police investigator na matagal nang may sama ng loob ang suspek kay Kyle dahil pinaghihinalaan umano nito na may relasyon ito sa kanyang asawa, kahit pamangkin ng kanyang asawa ang bata.

Nakakuha rin sila ng karagdagang impormasyon na may hinanakit din ang suspek noon sa ama ng mga biktima na isa sa posibleng dahilan ng kanyang sama ng loob.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Asturias Municipal Police Station, kung saan inihahanda niya ang isang gawa-gawang kaso laban sa kanya para sa murder at frustrated murder.