Pormal nang nag assume bilang OIC PNP Chief si PLtGen. Melencio Nartatez.
Hindi naman dumalo sa turnover ceremony kaninang umaga si dating PNP Chief General Nicolas Torre III na pinangunahan ni Sec. Jonvic Remulla.
Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na hindi nito inirekumenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na i-relieved sa pwesto si Gen. Torre.
Wala din umano nilabag si Torre na batas, batay sa inihayag ni Senator Ping Lacson na dating pinuno din ng pambansang pulisya.
Ibinunyag din ni Remulla na kinukunsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bigyan ng pwesto sa gobyerno ang dating PNP chief.
Nilinaw din ng kalihim na walang bahid na pulitika ang pag-alis sa pwesto kay Torre.
Sinabi ng Kalihim, “Difficult and necessary” ang naging desisyon ng pangulo na alisin sa pwesto si Torre.
Aminado si Secretary Remulla na isa sa naging konsiderasyon ng Pangulo na alisin si Torre ay ang hindi pagsunod ni Torre sa inilabas na resolution ng National Police Commission (NAPOLCOM) na i-recall ang ipinatupad nitong balasahan.
Sa ngayon, may dalawang opsiyon ang dating PNP Chief, ito ay mag early retirement o manatili sa pwesto.
Habang ang 4 star rank ni General Torre ay tatalakayin ng Napolcom.
Batay sa batas iisa lang sa PNP ang may 4 star rank at ito ay ang pinuno ng pambansang pulisya.
Inihayag ni Remulla na limang beses niya tinawagan si Torre kagabi subalit hindi sinagot ni Torre ang kaniyang tawag.
Pagtiyak ng kalihim na duly informed si torre hinggil sa naging desisyon ng Pangulo.
Samantala, siniguro naman ni PNP OIC Chief PLt.Gen. Melencio Nartatez na ipagpapatuloy nito ang mga magagandang proyekto at programa ng PNP.