-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Senador at senator-judge Robin Padilla na siya ay isang komunista habang tinatanong si NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa ikalimang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, Hulyo 14.

Tinanong ni Padilla si Lotoc tungkol sa kasaysayan ng Romanov, ang huling pamilya ng mga tsar ng Russia na pinaslang noong Russian Revolution.

Ayon sa senador, maaaring sumisimbolo ang “Romanov” sa banta laban sa mga pamilyang nasa kapangyarihan na nangunguna sa kampanya laban sa mga komunistang rebelde.

Inihalintulad ni Padilla ang mga pamilyang Marcos at Duterte, na aniya’y parehong naging pangunahing lider sa paglaban sa komunismo sa bansa. Iminungkahi rin niya na maaaring may kaugnayan dito ang paggamit ng terminong “Operation Romanov.”

“Hindi ba po dapat isipin natin yung Romanov ay tungkol sa threat na pumapasok sa mga pamilya na mga namumuno dito sa ating bayan na lumalaban sa komunista?” tanong ni Padilla.
Gayunpaman, tumanggi si Lotoc na sang-ayunan ang interpretasyon ng senador. Ayon sa kanya, ang usapin hinggil sa “Operation Romanov” ay nasa ilalim ng imbestigasyon ng intelligence service ng NBI.

-- ADVERTISEMENT --

“So far as the investigation on the issue of whether or not may Romanov or Operation Romanov, nasa intelligence service po namin ‘yan. I think ang makakasagot po niyan ay ang director po namin,” pahayag ni Lotoc.

Binanggit din ni Padilla na maaaring humaharap sa kaparehong banta si Vice President Sara Duterte dahil sa kanyang naging papel sa pamumuno ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Ngunit sinabi ni Lotoc na wala siyang personal na kaalaman sa anumang banta laban sa Bise Presidente

Bukod sa isyu ng “Romanov,” kinuwestiyon din ng senador ang pagkakatalaga kay Lotoc bilang regional director ng NBI sa BARMM, kabilang ang kanyang kaalaman sa Islam at kasaysayan ng rehiyon.

Nang tanungin naman kung gaano niya kakilala ang Islam, sinabi ni Lotoc na mayroon lamang siyang “kaunti” na kaalaman tungkol dito sa kabila ng pagiging Kristiyano.

Binigyang-diin naman ni Padilla ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na batayang kaalaman sa relihiyon at kultura ng lugar na kanyang pinaglilingkuran.

Tinanong din ni Padilla si Lotoc tungkol sa umano’y bansag sa kanya bilang “Golden Boy” ng NBI at kung mayroon na ba siyang kinaharap na reklamo.

Tugon ni Lotoc, karaniwan ang pagkakaroon ng reklamo laban sa mga ahente ng NBI, ngunit wala siyang natanggap na opisyal na reklamo mula sa Office of the Ombudsman.

Ipinagpatuloy ni Padilla ang kanyang pagtatanong tungkol sa kasaysayan ng pamilya Romanov habang may ipinakitang makapal na dokumento sa pagdinig.

“Kasi napaka-kapal po nitong hawak ko,” ani Padilla.

“Wala pong problema ‘yan, Your Honor. Sasagutin po namin ‘yan,” sagot naman ni Lotoc.