Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kanyang manugang sa Barangay Sto. Niño, San Miguel, Iloilo.
Naganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Ang biktima ay kinilalang si alias Albert, 47 taong gulang, habang ang suspek ay si alias Ian, 34 taong gulang.
Stepdaughter ng biktima ang live-in partner ng suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Anabelle Agunda, live-in partner ng biktima, sinabi nitong wala siyang napansing anumang alitan sa pagitan ng kanyang kinakasama at ng suspek bago pa man mangyari ang insidente.
Ngunit, salungat dito ang pahayag ni alias Ann, anak ni Agunda.
Ayon kay Ann, na siyang live-in partner ng suspek, nagsumbong umano si Ian sa kanya na pinagbuhatan siya ng kamay ni Albert, at ito raw ang dahilan kung bakit niya nagawa ang krimen.
Ipinahayag pa na hinintay pa ng suspek na makatulog ang biktima bago niya ito pinagsasaksak nang humigit-kumulang 21 beses.
Pagkatapos ng krimen, agad na tumakas ang suspek bitbit ang kanyang mga gamit.
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nahuhuli ang suspek at wala na rin itong komunikasyon sa kanyang kinakasama na si alias Ann.