-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo ”Ping” Lacson na may natanggap siyang impormasyon na naglalaman umano ng sulat-kamay ng yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral, kung saan nakasaad ang umano’y P500 milyong halaga ng proyekto na inilaan kay Sen. Rodante Marcoleta.

Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na ang pagkakaroon ng “allocables” ay hindi ilegal, bagama’t aniya ay kailangang siyasatin kung ang mga proyektong ito ay maayos na naisagawa o kung may “ghost” o substandard projects.

Ayon pa sa senador, susuriin ng Senado ang mga isinumiteng proyekto ng mga mambabatas upang matukoy kung may iregularidad sa ma ito. Aniya, hindi dahil humingi ng pondo para sa proyekto ay agad nangangahulugang may paglabag sa batas.

Binanggit din ni Lacson na maraming mambabatas mula sa parehong kapulungan ang may ganitong “allocables,” na aniya ay maituturing na modern pork barrel.

Samantala, mariing itinanggi naman ni Marcoleta ang paratang at tinawag itong “malicious,” iginiit na walang basehan ang alegasyon at isa lamang umano itong pagtatangkang sirain ang kanyang reputasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Marcoleta, kung ang pagbibigay ng endorsement sa mga proyekto ay pagbabasehan ng imbestigasyon, halos lahat ng senador ay dapat ding imbestigahan dahil karaniwan umano itong ginagawa sa Kongreso.

Ipinunto rin niya na hindi maaaring pilitin ang mga senador na pumirma sa partial committee report, at inakusahan si Lacson ng pagiging selective sa paghahanap ng pananagutan.

Nag-ugat ang tensyon sa pagitan ng dalawa matapos mapalitan si Marcoleta bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na ngayon ay pinamumunuan ni Lacson, kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects.