-- ADVERTISEMENT --

Inanunsiyo ni Iran President Masoud Pezeshkian na ititigil nila ang missile attack sa mga karatig na bansa sa Middle East maliban na lamang kung maglunsad ng pag-atake mula sa Gulf states.

Ginawa ng Iran President ang anunsiyo matapos sabihan ng Interim Leadership Council, na pansamantalang namamahala sa Iran, ang armed forces na suspendihin ang pag-atake laban sa mga karatig na bansa maliban kung may magmumulang pag-atake sa neighboring countries.

Sa isang pre-recorded televised address sa state media, humingi rin ng tawad ang Iran President sa Gulf states. Aniya, kailangang resolbahin ito sa pamamagitan ng diplomasiya kesa sa labanan at pagkakaroon ng problema sa mga karatig na bansa.

Hinimok din niya ang Gulf nations na huwag maging “laruan” sa mga kamay ng imperiyalismo, at binalaan ang mga ito na huwag atakehin ang teritoryo ng Iran.

Hindi naman malinaw sa ngayon kung ang anunsiyo ng Iran President ay agad na epektibo.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, itinuturing namang isang malaking development ang anunsiyo at paghingi ng tawad ng Iran President makalipas ang isang linggo mula nang ilunsad ng Amerika at Israel ang joint attack sa Iran, na gumanti rin ng pag-atake sa Israel at sa US military bases na nasa Gulf states.

Samantalam tumangging sumuko ang Iran kasunod ng pahayag ni US President Donald Trump na matitigil lamang ang giyera kung susuko ang Islamic country nang walang kondisyon.