-- ADVERTISEMENT --

Hinamon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan si Senador Robin Padilla kaugnay ng planong paghahain nito ng ethics complaint laban sa kanya, at sinabing magsasampa rin siya ng kontra-reklamo dahil umano sa pananakot at kawalan ng decorum sa Senado.

Sa post ng senador noong Martes ng gabi, sinabi nito na walang sapat na legal na basehan ang reklamong nais ihain ni Padilla at pinayuhan niya itong huwag maging “balat sibuyas.”

“Sa tagal ko dito sa Senado at sa dami ng sigawan o pagtataas ng boses na nangyari na rito, ngayon lang siguro magkaka-ethics case na ganito,” ani Pangilinan.

Ayon pa sa senador, hindi maiiwasan ang matitinding diskusyon at pagtataas ng boses sa gitna ng mainit na debate sa plenaryo.

“Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan,” dagdag niya.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ni Pangilinan na kung itutuloy ni Padilla ang reklamo, magsasampa siya ng counter-complaint laban dito dahil umano sa paglabag sa parliamentary rules, kawalan ng proper decorum, at umano’y pananakot at harassment habang naka-recess ang plenary session.

“Hindi uubra ang pam-bu-bully at pa siga-siga sa akin,” sabi ni Pangilinan.

“Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko siya aatrasan kung gusto niya ng kasuhan,” dagdag pa niya.

Nagsimula ang tensyon sa pagitan ng dalawang senador matapos pag-usapan sa Senado ang umano’y harassment at human rights violations na isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tangkang pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa noong Lunes ng gabi.