(Update) GENERAL SANTOS CITY – Trauma ang dinadanas ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) matapos na pinasok ng hubo’t-hubad na kawatan ang kanyang bahay.
Kinilala ang biktima na si Jennifer Dacanine, 27, residente ng Salvacion, General Santos City.
Sa kanyang salaysay, madaling araw nang nagising siya at magulat nang isang lalaking walang saplot ang nasa kanyang harapan paglabas ng kwarto, kung saan agad kinuha ang kanyang mamahaling cellphone.
Kuwento ng biktima, blonde ang kulay ng buhok ng suspek ngunit hindi niya ito kilala.
Una rito, inakala niya na nanaginip lamang siya ngunit ng tuluyan nitong idinilat ang mga mata ay nakita niya ang salarin na mabilis namang tumakbo at tumalon ng terrace matapos siyang sumigaw.
Nabitawan umano ng naturang kawatan ang cellphone kaya’t naiwan sa bahay ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang suspek at mahuli.