-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ilagay siya sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca nitong Huwebes.

Sa isang panayam sinabi ni Aplasca na narinig niya ang kahilingan ng senador sa isang meeting kasama si PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Ayon sa opisyal, naganap ang pagpupulong matapos ang tensyon na bumalot sa Senado noong Miyerkules.

Magugunitang iniulat na si Dela Rosa, ay umalis sa Senado nang madaling araw ng Huwebes, ilang oras matapos makarinig ang mga alingawngaw na putok ng baril sa paligid ng gusali ng Senado kasabay ng pagpapatupad ng lockdown sa lugar.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang direktiba na aarestuhin ang senador.

-- ADVERTISEMENT --

Si Dela Rosa ay kabilang sa mga indibidwal na may umiiral na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa anti-illegal drug campaign noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong Lunes, inilagay si Dela Rosa sa protective custody ng Senado matapos tangkaing ipatupad ng National Bureau of Investigation ang naturang arrest warrant.