-- ADVERTISEMENT --

Muling nagpalabas ng paalala ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng mahigpit na pagpapatupad ng automatic price freeze sa lahat ng basic necessities o pangunahing bilihin sa mga rehiyon at lokalidad na isinailalim sa State of Calamity.

Ayon sa DTI, ipinatutupad ang panuntunan sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act upang protektahan ang mga mamamayan laban sa pagsasamantala sa presyo ng mga pangunahing produkto. Sa ilalim ng batas, mananatiling nakapako sa kanilang prevailing prices ang mga pangunahing bilihin, tulad ng canned goods, instant noodles, mantika, bottled water, kandila, at gatas, sa loob ng 60 araw mula nang ideklara ang sakuna.

Nagbabala ang ahensya na ang sinumang mangangalakal na mahuhuling magtataas ng presyo o magtatago ng supply ay haharap sa kaukulang parusang pampiskal at posibleng pagkakakulong.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng malawakang pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo at ng pinalakas na hanging habagat sa bansa. Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 178 na lugar sa buong bansa, kabilang ang mga lalawigan ng Pangasinan, Bulacan, Pampanga, Cavite, Bataan, Zambales, Tarlac, at Benguet, ang idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity.

Naitala ng NDRRMC na mahigit 9.1 milyong indibidwal o humigit-kumulang 2.6 milyong pamilya ang naapektuhan ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Umabot naman sa higit P2.32 bilyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang lumagpas sa P6.27 bilyon ang pinsala sa mga pampublikong imprastraktura.