Naglabas ng opisyal na pahayag si Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng Defense Team ni Vice President Sara Duterte, kaugnay ng ika-apat na impeachment complaint na inihain laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Poa, ang sunod-sunod na pagsasampa ng reklamo ay hindi nangangahulugang nagiging totoo ang mga alegasyon, at tulad ng mga naunang kaso, haharapin nila ito sa tamang oras at alinsunod sa Constitution at umiiral na mga patakaran.
“The successive filing of complaints does not, by mere repetition, transform allegations into truth,” wika ni Poa.
Ang ika-4 na reklamo ay inihain nitong Miyerkules, ni Atty. Nathaniel Cabrera mula Batangas, at inendorso nina Deputy Speaker Paolo Ortega at Rep. Bienvenido Abante.
Nakasaad sa reklamo ang umano’y betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, maling paggamit ng pondo at iba pa.
Kapansin-pansin na naisumite ito sa parehong araw na inanunsyo ni VP Duterte ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa 2028 elections, na lalong nagpalakas ng tensyon sa politika.
Sa kabila ng mga reklamo, nananatiling maugong ang pangalan ni Duterte bilang isa sa mga frontrunners.
Nanindigan ang defense team na ang impeachment ay hindi dapat maging instrumento ng pulitika kundi isang constitutional mechanism na dapat isailalim sa patas at makatarungang proseso.











