Nadiskubre ang magkakatulad na sulat-kamay sa mga acknowledgement receipts ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte, base sa iprinisentang apat na pahinang forensic findings ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni NBI Question Documents Division chief Carolyn Moldez-Pitoy at NBI Director Melvin Matibag na mula sa 36 na resibo na sinuri mula sa Commission on Audit, may mga grupo na lumalabas na iisang tao lamang ang sumulat, kabilang ang ilang pirma at handwritten dates.
Ipinakita rin ang mga resibong may magkaibang pangalan ngunit kapareho ang estilo ng sulat, indikasyon na posibleng iisang indibidwal ang may gawa.
Tinukoy ng NBI ang pitong grupo ng resibo na bawat isa ay maaaring isinulat ng tig-iisang tao, bagamat nilinaw na ang pagpapangkat ay batay sa estilo ng sulat at hindi tiyak na magkakaibang indibidwal.
Sa ilang dokumento, ang handwritten dates lamang ang nabigyan ng malinaw na pagsusuri at hindi ang mga pirma, dahil hindi umano maikumpara ang mga ito.
Sa ngayon, patuloy ang pagbusisi sa mga dokumento bilang bahagi ng imbestigasyon kaugnay ng confidential funds ng Bise Presidente.











