Ipinahayag ni Claudine Barretto na opisyal na siyang tinanggap bilang bahagi ng pamilya ni Rico Yan, halos dalawang dekada matapos ang pagkamatay ng aktor.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng aktres ang lumang mga video nila ni Rico at sinabing hindi na lamang ito tungkol sa kanilang nakaraan, kundi sa mas malalim na relasyon niya ngayon sa ina ni Rico na si Sita Yan, na itinuturing na siyang tunay na anak.
“It’s not about Rico anymore. It’s about my relationship with his Mom, who now accepted me as her daughter… I am now Claudine Barretto Yan,” ani Claudine.
Pinasalamatan niya ang pamilya Yan sa pagtanggap sa kanya, aniya’y ito na raw ang nagbibigay ng kapanatagan kay Rico sa kabilang buhay.
“Not a sister-in-law, not a daughter-in-law, but Sita Yan’s daughter… RY, you can now rest, hun. We now have each other to take good care of.”
Dagdag pa ng aktres, mananatili ang pagmamahal niya kay Rico “Forever till eternity & beyond will.”
Nagpakita rin ng suporta ang kapatid ni Rico na si Tina Yan, na nagsabing tunay na bahagi na ng pamilya si Claudine.
Matatandaang si Claudine ang huling naging kasintahan ni Rico bago ito pumanaw noong 2002. Sila rin ay isa sa mga pinakasikat na tambalan sa pelikula noong dekada ’90 at 2000s, sa mga proyektong tulad ng ”Dahil Mahal Na Mahal Kita” at ”Got 2 Believe.”
Bagamat naging masalimuot ang relasyon ni Claudine sa pamilya ni Rico matapos ang kanyang pagkamatay, muling nagkabati ang magkabilang panig noong nakaraang taon.