Handa na ang pambato ng Pilipinas, si Binibining Pilipinas International 2025 Myrna Esguerra mula Abra, para sa final competition ng Miss International 2025 na gaganapin ngayong araw, Nobyembre 27, sa Yoyogi National Gymnasium, Shibuya, Tokyo.
Matatandaang isinagawa ang preliminary competition noong Lunes, Nobyembre 24, sa Miss Paris Grandhall ng Professional University of Beauty & Wellness sa Yokohama.
Nagningning si Myrna sa kanyang dilaw na Solihiya gown na likha ni Rich Sabinian, na sumisimbolo sa araw sa bandila ng Pilipinas.
Bukod dito, ipinamalas niya ang kakaibang kumpiyansa sa kanyang pasarela at ang kanyang magandang pangangatawan habang suot ang puting one-piece swimsuit.
Nagpahayag ng suporta si Miss International 2005 Lara Quigaman sa kanyang social media account. Hinikayat niya ang mga Filipino pageant fans na suportahan, ipagdasal, at paniwalaan si Myrna sa laban nito sa Miss International 2025. Dagdag pa niya, mahalagang tutukan ang mga pageant at organisasyong nagtataguyod ng integridad at tunay na empowerment ng kababaihan.
Inaabangan naman ng mga netizens ang mga susunod na kaganapan sa Miss International 2025, at umaasa silang maiuuwi ni Myrna ang ikapito nitong Miss International crown para sa Pilipinas.











