-- ADVERTISEMENT --

Naaresto na kaninang umaga ang tatlo sa apat na suspek na pumatay sa American marine biologist na si Dr. Kent Carpenter ayon sa Philippine National Police (PNP).

Kabilang sa mga nahuli ang hinihinalang bumaril sa biktima, ang umano’y gumahasa sa live-in partner ni Carpenter, at ang nagsilbing lookout o nagbantay habang isinasagawa ang krimen.

Nangyari ang insidente noong Linggo ng gabi sa bahay ni Carpenter sa Barangay Ajong, Sibulan, Negros Oriental.

Batay sa imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang 73-anyos na marine biologist nang puwersahang pasukin ng mga suspek ang kanyang bahay. Isa sa kanila ang umano’y bumaril sa kanyang ulo bago sila tumakas.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na M.O., 26-anyos, na itinuturong gunman; J.F., na umano’y nanggahasa sa live-in partner ng biktima; at C.D., na hinihinalang nagsilbing lookout sa isinagawang krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang ikaapat na suspek.

Si Carpenter ay kinikilalang eksperto sa pag-aaral ng coral reefs at marine biodiversity. Ayon sa mga awtoridad, malaki ang naging ambag ng kanyang pananaliksik sa isinampang kaso ng Pilipinas na nagresulta sa 2016 arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.