-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang mga eksperto na ang mga glacier sa Himalayan region, na nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng tubig para sa humigit-kumulang dalawang bilyong tao, ay natutunaw na ngayon nang doble ang bilis kumpara noong taong 2000.

Ayon sa ulat ng International Centre for Integrated Mountain Development (ICIMOD), ang Hindu Kush-Himalayan mountain range na umaabot mula Afghanistan hanggang Myanmar ay naglalaman ng isa sa pinakamalalaking imbakan ng yelo sa mundo sa labas ng Arctic at Antarctica.

Pinupunan nito ang hindi bababa sa 10 pangunahing ilog sa Asya na mahalaga sa suplay ng tubig, pagkain, at enerhiya.

Batay sa pag-aaral, halos dumoble ang bilis ng pagnipis ng yelo mula 34 sentimetro kada taon bago ang 2000, na ngayon ay umaabot na sa 73 sentimetro sa kasalukuyan.

Sa kabuuan, umabot na sa hanggang 27 metro ang nabawas sa kapal ng yelo mula pa noong 1975, habang 12 porsiyento naman ng glacier area ang tuluyang nawala sa pagitan ng 1990 at 2020.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng mga siyentipiko, dulot ito ng patuloy na pagtaas ng temperatura ng mundo, na pumipigil sa mga glacier na mapanatili ang kapal ng yelo nito.

Dagdag pa rito, ang polusyon tulad ng black carbon mula sa pagsusunog ng fossil fuels at mga basura na siyang lalo pang nagpapabilis ng pagkatunaw ng naturang glaciers.

Ayon sa mga eksperto, hindi na ito problemang panghinaharap lamang kundi isang krisis na nangyayari na sa kasalukuyan, kaya’t kailangan ng agarang aksyon upang mapabagal ang epekto nito at maprotektahan ang suplay ng tubig sa rehiyon.