-- ADVERTISEMENT --

Limang katao ang nasugatan matapos bumagsak ang isang helicopter sa parking lot ng Huntington Beach, California, noong Sabado ng hapon (oras sa Amerika).

Ayon sa mga opisyal ng lungsod, nangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon sa pagitan ng Twin Dolphins Drive at Beach Boulevard.

Dalawang sakay ng helicopter at tatlong tao ang nasugatan na agad dinala sa pagamutan.

Wala pang ulat tungkol sa kanilang kalagayan.

Batay naman sa paunang impormasyon, ang helicopter ay konektado sa “Cars and Copters” event na nakatakdang ganapin sana ngayong Linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga testigo sa lugar na nakunan pa ng video, tila umiikot daw nang kakaiba ang helicopter bago ito bumagsak sa lupa. maaari daw naputol ang buntot o tail rotor ng sasakyan.

Wala namang sumabog, ngunit iniulat na may tumagas na gasolina mula sa helicopter.

Patuloy din ang ginagawang imbestigasyon ng Federal Aviation Administration (FAA) at National Transportation Safety Board (NTSB) ukol sa sanhi ng aksidente.