Nagtala ang Taal Volcano sa Batangas ng panibagong phreatic o steam-driven eruption sa nakalipas na 24 oras, na nagpataas sa limang kabuuang bilang ng mga naitalang pagsabog sa bulkan ngayong buwan.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Miyerkules, Oktubre 21, tumagal ng isang minuto ang pinakakahuling pagsabog.
Nasundan ito ng dalawang minutong phreatic eruption noong Oktubre 20, dalawang pagsabog noong Oktubre 18, at isang phreatomagmatic eruption noong Oktubre 8.
Bukod sa pagsabog, nakapagtala rin ang Phivolcs ng dalawang volcanic earthquakes at isang tuluy-tuloy na volcanic tremor, habang umabot sa 1,002 metric tons ang sulfur dioxide emission nito.
Mananatili naman sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, ngunit patuloy na nagbabala ang Phivolcs laban sa mga biglaang phreatic explosion, volcanic gas, at minor ashfall kaya mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at ang pagpalipad ng sasakyang-pampapawid malapit dito.











