-- ADVERTISEMENT --

Hindi na umano kayang maabot ang ₱20 kada kilo na presyo ng bigas na ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong kampanya noong 2022, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba, transportasyon at langis.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kakailanganin ng subsidiya ng pamahalaan upang maibenta ang bigas sa ₱20 kada kilo.

Sinabi ni Tiu Laurel na umabot na sa halos ₱2,600 kada sako ang presyo ng urea mula sa nasa ₱700 lamang noong ipinangako ni Marcos ang ₱20 kada kilo na bigas.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, nasa ₱44.94 kada kilo ang average na presyo ng regular-milled rice mula Agosto 24 hanggang 30. Samantala, ₱47.73 kada kilo ang well-milled rice at ₱52.76 kada kilo naman ang premium rice.

Sa halip, ipinatutupad ng administrasyon ang subsidiadong “Benteng Bigas, Meron Na!” program sa mga Kadiwa outlet, na ayon sa DA ay nakinabang na ang mahigit 12 milyong Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DA na walang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa. Gayunman, inaasahang maaapektuhan ng El Niño ang lokal na produksyon ng bigas nang humigit-kumulang 700,000 metric tons.

Dahil dito, sinabi ni Tiu Laurel na posibleng muling mag-import ng bigas ang pamahalaan matapos ang harvest season bilang paghahanda sa inaasahang matinding El Niño.