-- ADVERTISEMENT --

Isinailalim sa emergency medical evacuation ang isang sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea matapos makaranas ng mga sintomas na posibleng kaugnay ng appendicitis.

Ayon kay Retired Navy General Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, nakaranas ang sundalo ng pananakit ng tiyan, pagduduwal, pagsusuka at panghihina.

Patuloy pa umanong hinihintay ang assessment ng doktor para makumpirma ang kondisyon.

Sinabi ng AFP na nabigyan na ng paunang medical management ang sundalo at patuloy na mino-monitor ang kanyang kalagayan.

Nakikipag-ugnayan din ang militar sa Philippine Coast Guard at iba pang concerned agencies para sa ligtas at agarang pagdadala sa kanya sa angkop na medical facility.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Trinidad, nailipat na ang sundalo sa isang PCG vessel at patuloy na mino-monitor ang kanyang kondisyon habang isinasagawa ang paglikas.

Karaniwang nahaharang ng mga barko ng China ang military, PCG at civilian vessels na patungo sa BRP Sierra Madre.

Gayunman, sinabi ni Trinidad na wala silang naitalang interference o interruption mula sa mga barko ng China sa isinagawang medical evacuation.