-- ADVERTISEMENT --

Hindi nakapagsumite ng kanyang kontra-salaysay si Senador Robinhood ‘Robin’ Padilla sa naganap na ‘preliminary investigation’ ng reklamong kinakaharap sa Department of Justice.

Ayon kay Atty. Jimmy Bondoc, abogado ng isa sa mga kapwa-respondents, may kulang pa umano ang reklamo kaya’t hindi muna nagsumite ng ‘counter-affidavit’ ang senador.

Nasa proseso pa aniya sila ng paghingi sa kopya ng reklamong inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group laban kay Sen. Padilla.

Ito’y bunsod nang mapansin ng prosekusyon na may kulang pa umanong mga dokumento ang ahensiya sa reklamong inihain kaya’t binigyan ng pagkakataon para maisumite ang kinakailangan.

Magugunitang sinampahan siya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG ng reklamong ‘obstruction of justice’.

-- ADVERTISEMENT --

May kinalaman ito sa umano’y pagtulong kay Senador Robin Padilla na makatakas o makalabas ng pasilidad ng Senado noon lumabas ang ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court.

Gayunpaman, sa isinagawang preliminary investigation kahapon, personal na humarap at dumalo ang respondent na si Senador Padilla.

Matapos ang preliminary investigation, sa paglabas ni Sen. Padilla ng Department of Justice ay sinalubong siya ni Senador Bong Go.

Sa panayam kay Sen. Bong Go, kanyang ibinahagi na ang pagpunta ay bilang pagpapakita ng suporta sapagkat magkaibigan umano sila ni Sen. Padilla.

Itinakda ang susunod na preliminary investigation sa ika-9 ng Oktubre habang ang pagsusumite ng ‘kontra-salaysay’ nama’y sa ika-12 ng Nobyembre.