Nanindigan si Senador Risa Hontiveros na “atin ang West Philippine Sea” sa kaniyang personal na pagbisita ngayong Sabado, Pebrero 21 sa Pag-asa Island, isa sa bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG).
Ang pagbisita ng Senadora sa isla ay bahagi ng kaniyang selebrasyon para sa kaniyang nalalapit na ika-60 kaarawan sa Pebrero 24.
Dito, naghatid ang Senadora ng essential goods at medical services para sa mga sibilyang Pilipino at frontliners na naka-istasyon sa isla.
Sa isang statement, sinabi ni Sen. Hontiveros na ang kaniyang pagbisita sa Pag-asa Island ay bilang pagpapakita ng kaniyang suporta at pakikiisa sa ating mga kababayang Pilipino na naninirahan sa Kalayaan.
Aniya, ang mga mamamayan ng isla at kanilang munisipalidad ay parte ng Pilipinas kaya hindi ito maaaring pabayaan.
Nakipagkita rin ang Senadora sa mga lokal na opisyal ng Munisipalidad ng Kalayaan sa pangunguna nina Mayor Beltzasar Alindogan at Vice Mayor Maurice Albayda.
Pinagtibay din ng mambabatas ang kaniyang suporta para sa mga lider na nagtatanggol sa soberaniya ng Pilipinas sa WPS.











