-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga negosyanteng Koreano na patuloy ang pagpapatupad ng administrasyon ng malalaking repormang pang-ekonomiya upang higit pang mapalakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na Philippines-Korea Business Forum, sinabi ng Pangulo na inaalis ng pamahalaan ang mga hadlang sa burukrasya, pinabababa ang gastos sa pagnenegosyo, at pinatitibay ang kakayahan ng bansa na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado. 

Dumalo rin sa pagtitipon ang Pangulo ng Republic of Korea na si Lee Jae Myung.

Binanggit din ni Pangulong Marcos ang ilang mahahalagang batas na sumusuporta sa paglago ng pamumuhunan, kabilang ang CREATE MORE Act na nagbibigay-insentibo sa malalaking proyektong hindi bababa sa P50 bilyong puhunan o lilikha ng 10,000 trabaho. 

Ipinunto rin niya ang Capital Markets Efficiency Promotion Act na nagbaba ng stock transaction tax mula 0.6% tungo sa 0.1% upang gawing mas episyente ang capital market.

-- ADVERTISEMENT --

Pinagaan din aniya ang panuntunan para sa dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng mga amyenda sa Foreign Investments Act at Retail Trade Liberalization Act upang mas mapadali ang pagpasok ng negosyo sa bansa.

Bukod dito, ipinatutupad ang Executive Order No. 18 o ang Green Lanes for Strategic Investments upang mapabilis ang pag-apruba ng permits para sa malalaking proyekto.

Umaasa ang Pangulo na magbubunga ang forum ng mas matibay at makabuluhang ugnayang pangkalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, lalo na sa mga sektor ng shipbuilding, nuclear energy, aerospace, electronics, at biotechnology.