Malapit nang maging ganap na batas ang pagtatayo ng pambansang ospital para sa mga senior citizen matapos pagtibayin ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Philippine Geriatric Center Act.
Sa botong 23-0, inaprubahan ng mga senador ang Senate Bill No. 1509 nitong Martes.
Layunin ng panukala na magtatag ng isang specialty center na magbibigay ng komprehensibo at angkop na serbisyong medikal para sa mga nakatatandang Pilipino.
Ikinatuwa naman ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ang naging aksyon ng Senado.
Binigyang-diin niya na nauna nang ipinasa ng Kamara ang kanilang bersyon ng naturang bill noong Disyembre 2025 bago ang Christmas break.
Sinabi ni Abante na maagang kumilos ang Kamara dahil kinikilala nito pagkamadali ng isyung ito.
Ang pagpasa sa geriatric health measure ay bahagi ng 12 priority bills sa ilalim ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Abante, na matagal nang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga senior citizen, ang hakbang na ito ay katuparan ng pangako na mabigyan ng dignididad, respeto, at malasakit ang kalusugan ng mga lolo at lola sa bansa.
Dahil kapwa na pasado sa dalawang kapulungan ng Kongreso, inaasahang dadaan na ito sa pinal na proseso bago lagdaan ng Pangulo upang maging isang ganap na batas.











