Pinalagan ni Senator Panfilo Lacson ang impeachment case remarks ni Atty. Salvador Panelo bilang “nonsensical” o walang kwenta matapos na tila pinapangunahan umano ng abogado ang magiging boto ng mga Senador.
Sa isang panayam, iginiit ni Senator Lacson na walang sinuman ang maaaring magsalita para sa kaniya. Kinuwestyon din ng mambabatas ang tila pagmamarunong ng abogado sa kanilang mga Senador.
Tanong pa ng Senador, bakit sila pinangungunahan at tinatawag na ‘pusakal’ gayong hindi pa naman naabot ang trial stage?
Aniya, bilang Senator judges, mag-iingat sila sa kanilang mga pahayag, at sinabing masusing uusisain ng publiko ang kanilang mga aksiyon.
Ito ang naging tugon ng Senador matapos tukuyin siya ni Atty. Panelo kasama sina Senate President Vicente Sotto III, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Kiko Pangilinan na boboto para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa oras na tumawid sa Senado ang impeachment case.
Nanindigan naman si Sen. Lacson, na bilang uupong impeachment court judges, magbabase sila sa ebidensiya dahil kukuwestyunin sila kung boboto sila para ma-convict ang impeachable official sa kabila ng mahinang ebidensiya o kaya naman ay mag-abswelto sa kabila ng matibay na ebidensiya.










