-- ADVERTISEMENT --

Pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang posibleng pagpapatupad ng work stoppage order laban sa Atienza Interisland Ferries Inc., operator ng MV June Aster na nasunog sa karagatan ng Coron, Palawan noong September 9.

Ito ay matapos matukoy ng kagawaran ang ilang paglabag ng kompanya sa labor at occupational safety and health standards.

Sa pagdinig sa DOLE Central Office, inilahad ng DOLE MIMAROPA ang mga umano’y paglabag, kabilang ang kulang na sahod at hindi pagbabayad ng overtime pay, night shift differential at iba pang benepisyo.

May nakita rin umanong kakulangan sa mga safety program ng kompanya, gayundin sa personal protective equipment at pagkakaroon ng trained safety officer.

Kaya naman, hindi isinantabi ng ahensya ang posibilidad na maglabas ng work stoppage order laban sa mga kompanyang mapatutunayang may malubha at seryosong kakulangan sa safety protocols. Nakadepende ang pagpapalabas ng kautusan sa magiging resulta ng inspeksyon, kabilang ang mga kakulangan na naunang natukoy ng labor inspector ng DOLE MIMAROPA sa operator ng MV June Aster.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, maaaring ipatigil muna ang operasyon ng isang kompanya kapag hindi nito natutugunan ang mga kinakailangang safety regulations matapos mabigyan ng pagkakataong makapag-comply. Sinabi pa ni Tolentino na ilang beses nang nagtungo ang regional director ng DOLE sa kompanya para sa inspeksyon, ngunit hindi umano sila pinapasok. Hindi rin aniya dumalo ang may-ari ng kompanya sa pagdinig ng DOLE.

Samantala, tiniyak ng kalihim na patuloy na tatanggap ng sahod ang mga manggagawa kung tuluyang ipatutupad ang work stoppage order habang nakahinto ang operasyon.

Nakatakda namang magsagawa ng panibagong inspeksyon ang DOLE NCR bukas bilang bahagi ng kanilang pagsusuri.

Ayon kay Tolentino, nakabinbin pa ang desisyon sa work stoppage order at isa sa magiging basehan nito ang resulta ng isasagawang inspeksyon.