Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na payagan siyang hindi na humarap sa nakatakdang pagdinig sa Abril 22, 2026 kaugnay ng kanyang kasong may kinalaman sa drug war.
Ayon sa kanyang mga abogado, ang legal team na lamang ang haharap sa pagdinig sa The Hague, kung saan tatalakayin ng Appeals Chamber ang apela ng depensa hinggil sa isyu ng hurisdiksyon ng ICC sa kaso.
‘Walang ibinigay na tiyak na dahilan ang kampo ni Duterte kung bakit hindi makakadalo sa hearing ang dating pangulo.
Si Duterte ay mahigit isang taon nang nakakulong sa The Hague habang hinaharap ang kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay pangulo ng bansa mula 2016 hanggang 2022.
Nauna nang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber ang pagtutol ng kampo ni Duterte na wala nang hurisdiksyon ang korte matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.Philippine News Subscription
Giit naman ng ICC, may kapangyarihan pa rin ito sa mga kasong nangyari noong kasapi pa ang bansa sa tribunal.
Inaasahan na magdedesisyon ang Appeals Chamber sa apela ng kampo ni Duterte sa nakatakdang pagdinig.











