Patay ang isang 53-anyos na ama matapos pagbabarilin sa Purok Saging, Sitio Abtao, Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima sa alyas na Jerry, residente rin ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Captain Sammy Gasataya, Deputy Chief of Police ng Kabankalan City Police Station, sinabi nitong ang biktima at ang kanyang manugang ay nag-iinuman sa harap ng kanilang bahay nang bigla na lamang silang lapitan at pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon kay Gasataya, ang asawa ng biktima, anak, at manugang ay pinadapa ng mga suspek at tinakot na babarilin din kapag gumalaw.
Batay sa salaysay ng manugang ng biktima, napansin umano nilang pinasok ng mga suspek ang bahay. Wala raw nakita ang mga ito na kanilang hinahanap, kaya’t naglibot sila sa paligid ng bahay hanggang sa marinig ang putok ng baril.
Agad tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.
Nagtamo ng malubhang tama ng bala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.