-- ADVERTISEMENT --

Magsasagawa ng caucus ngayong Lunes ang mga senator-judge upang talakayin ang gagamiting voting threshold sa paghatol kung hahatolang guilty o pawawalang-sala si Vice President Sara Duterte sa kanyang nagpapatuloy na impeachment trial.

Ayon kay Senator-Judge JV Ejercito, pag-uusapan sa pulong kung kinakailangang dumaan sa botohan ng buong impeachment court ang usapin o kung maaari itong resolbahin ng presiding officer sa pamamagitan ng consensus ng mga miyembro.

Inihayag ni Ejercito na kailangan pa niya ng sapat na oras upang suriin ang mga pananaw ng mga amici curiae o resource persons noong nakaraang linggo bago maglabas ng pormal na boto, habang binigyang-diin na ang pinakamahalaga ay walang malalabag na probisyon sa Saligang Batas.

Naniniwala naman si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi dapat madaliin ang pagpapasya at posibleng hindi pa magkaroon ng botohan sa Miyerkoles, Setyembre 23, lalo na kung may hihiling ng karagdagang panahon upang masuri ang mga talakayan sa mga isasagawang oral argument.

Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag si Senate President at Presiding Officer Sherwin Gatchalian upang hindi pangunahan ang kalalabasan ng kanilang talakayan sa caucus.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang ang magiging bunga ng pulong ngayong araw ang magiging batayan sa mga susunod na hakbang ng Senate Impeachment Court bago ang pormal na paghatol sa kaso ng Bise Presidente.