-- ADVERTISEMENT --

GENSAN– Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naipamahagi sa mga benepisyaryo mula sa General Santos City at Sarangani Province ang iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan ngayong araw, Mayo 1.

Sa isinagawang seremonya sa Lagao gymnasium, tagumpay na naipamahagi ang 10kg libreng bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).

Nasa 5,000 residente ang nakatanggap ng nasabing tulong.

Nakadaupang-palad din ni PBBM ang ilan sa mga Presidential Scholars kung saan ang bawat isa ay nakatanggap ng P20,000 scholarship grant.

-- ADVERTISEMENT --

Personal ding iginawad ng Pangulo ang higit P33.6 million financial assistance para sa mga barangay ng GenSan at Sarangani.

Sa ilalim ng Socio-Civic Project Fund, nakatanggap ang GenSan ng P5.2 million para sa 26 nitong barangay habang P28.4 million naman para sa 142 barangay ng Sarangani.

Bawat barangay ay pagkakalooban ng P200,000 para palakasin ang kanilang kakayahang tugunan ang mga prayoridad na proyekto para sa kani-kanilang komunidad.

Una rito, dumalo ang Pangulo sa ika-124 Labor Day Job Fair sa GenSan.

Binigyang pugay nito ang mga manggagawang Pilipino dahil sa kanilang di matatawarang ambag sa bansa.

Nabatid na nasa kabuuang 4,062 job vacancies para sa local at overseas positions ang inaalok sa Job Fair sa Gensan.