-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang isang panukalang batas na magbabawal sa mga batang wala pang 16 taong gulang na gumamit ng social media sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2066 o Social Media Safety for Children Act, ipinagbabawal ang pagrerehistro, pag-access, o pagpapanatili ng account ng mga menor de edad sa anumang social media platform.

Layunin ng panukala na protektahan ang mga bata mula sa posibleng panganib sa digital world, kabilang ang mental, moral, at social effect ng labis na paggamit ng social media.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang magkaroon ng mas komprehensibong regulasyon dahil ang kasalukuyang mga batas ay nakatuon lamang sa parusa at hindi sa aktibong pagprotekta sa online exposure ng mga menor de edad.

Sa ilalim pa ng panukala, obligadong magpatupad ng mahigpit na age verification systems ang mga social media companies, tulad ng ID authentication, facial recognition, o iba pang katulad na teknolohiya.

-- ADVERTISEMENT --

Kailangan din nilang magsagawa ng regular audit upang matukoy at ma-deactivate ang mga account ng mga menor de edad.

Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang siyang tututok sa pagpapatupad at pagbabantay sa mga social media platforms at age verification providers.

Kapag naging batas, maaaring pagmultahin ng mula P1 million hanggang P10 million ang mga social media companies sa bawat paglabag, at dagdag na P100 kada araw habang nagpapatuloy ang paglabag.