Sinabi ng umano’y dating bagman ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga na handa at bukas siyang tumestigo sa anumang impeachment proceedings kung siya ay ipatawag ng Senado, Kongreso, o Office of the Ombudsman.
Sa isang news forum, sinabi ng abogado ni Madriaga na si Atty. Raymund Palad na handa ang kanyang kliyente na sumunod sakaling makatanggap ito ng subpoena.
“The fact na nag-issue siya ng affidavit, puwede siya ipatawag sa Kongreso, Senado at Ombudsman. Yung willingness niya, yes, kung maka-receive siya ng subpoena, mag-appear siya,” ani Palad.
Inamin din ni Palad na nagulat siya nang malamang isinama ang affidavit ni Madriaga sa mga impeachment complaint laban sa bise presidente. Ayon sa kanya, sa pamamagitan lamang ng mga ulat sa balita niya nalaman ang paggamit ng affidavit sa nasabing kaso.
“Yung pagsama ng affidavit sa impeachment, hindi ko alam ‘yon. Kung isinama pala ‘yon, at least nandoon na siya,” dagdag ni Palad.
Sa kanyang affidavit, inakusahan ni Madriaga si Vice President Duterte ng umano’y paggamit ng pera mula sa POGOs at drug dealers para pondohan ang kanyang 2022 election campaign.
Ibinunyag din ni Palad na may mga opisyal na humiling na makapanayam si Madriaga kaugnay ng kanyang affidavit.
Ayon sa kanya, nagtanong umano si Mamayang Liberal Party-List Leila de Lima kung maaari niyang kapanayamin ang kanyang kliyente nang hindi direktang inuugnay sa impeachment proceedings.
Kinumpirma rin ni Palad na minsan ay humiling si dating Senador Antonio Trillanes IV na mabisita si Madriaga upang pag-usapan ang nilalaman ng affidavit nito.
Samantala, sinabi ng abogado na maghahain sila ng aplikasyon para maisailalim si Madriaga sa Witness Protection Program dahil sa mga natatanggap umano nitong banta sa buhay.











