-- ADVERTISEMENT --

Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng mga paghihigpit sa trapiko at ilang pampublikong aktibidad bilang paghahanda sa pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit.

Mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 20, pansamantalang sususpindihin ang pag-iisyu ng permit para sa mga fun run, motorcade, prusisyon at iba pang katulad na pampublikong aktibidad sa Maynila, Pasay, Parañaque, Makati at Taguig.

Layunin nitong maiwasan ang dagdag na pagsisikip ng trapiko habang inihahanda ang mga lugar at rutang gagamitin para sa regional summit.

Simula Oktubre 24, ipatutupad din ang bahagyang paghihigpit sa Philippine International Convention Center o PICC at sa Cultural Center of the Philippines Complex. Susundan ito ng full lockdown sa Nobyembre 7.

Samantala, ipatutupad ang moratorium sa mga paghuhukay at iba pang road works sa Metro Manila simula alas-12 ng hatinggabi ng Nobyembre 1 hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Disyembre 23.

-- ADVERTISEMENT --

Saklaw nito ang road reblocking, paglalagay ng mga tubo, road upgrading at iba pang gawaing maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko.

Sa pulong ng MMDA, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng pamahalaan nitong Oktubre 21, binigyang-diin ang pangangailangan ng maagang paghahanda at mahigpit na koordinasyon para matiyak ang kaligtasan ng publiko at maayos na daloy ng mga sasakyan sa panahon ng dalawang malalaking okasyon.

Inaasahang magsisimulang dumating sa bansa ang mga delegado para sa ASEAN Summit sa unang linggo ng Nobyembre.