Hinimok ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) ang mga hukom na huwag pagbigyan ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban nang walang deadline ang kaso laban kay Duterte.
Ayon sa kanila, hindi sapat ang alegasyon ng matinding pagkawala ng memorya at paghina ng cognitive nito para sabihing hindi na siya maaaring humarap sa paglilitis.
Sa isinampang dokumento noong Setyembre 11, sinabi ng ICC Office of the Prosecutor na hindi sapat ang mga ulat ng mga defense team ni Duterte para ihinto ang proseso.
Plano naman ng mga prosekusyon na kumuha ng sarili nilang medical expert upang matukoy kung may kakayahan ba talaga si Duterte na lumahok sa paglilitis.
‘The Prosecution is engaging its own medical expert(s) to assist in determining Mr. Duterte’s fitness to participate in the pre-trial proceedings and to stand trial,’ ayon sa pahayag sa dokumento.
Dagdag pa nila, ang pagiging “fit to stand trial” ay hindi base lang sa pagkakaroon ng sakit kundi sa kakayahan ng akusado na unawain ang mga kaso laban sa kanya, suriin ang ebidensya, at bigyan ng direksyon ang kanyang abogado.
Binigyang-diin ng prosekusyon na ang pagkaantala ng paglilitis ay dapat limitado lamang sa panahong kinakailangan para sa medikal na pagsusuri. Nais din nilang makumpleto ang confirmation of charges hearing bago matapos ang 2025.
Samantala, iginiit naman ng kampo ni dating pangulong Duterte na hindi nya na kayang sumailalim sa paglilitis dahil sa “cognitive impairment.” Ayon sa abogado niyang si Nicholas Kaufman, hindi na matandaan ni Duterte ang mahahalagang impormasyon, pati mga taong malalapit sa kanya, kung saan aniya pati ang proseso ng kaso ay hindi niya na maunawaan.
Batay naman sa mga ulat ng defense medical expert, kabilang na ang isang neuropsychologist ng ICC, hindi na raw kayang makilahok ni Duterte sa anumang legal na pagdinig, at pati ang kanyang kalagayan ay inaasahang hindi na umano gagaling.
Magugunitang pansamantalang ipinagpaliban ng Pre-Trial Chamber ang dapat sanang pagdinig sa Setyembre 23 habang hinihintay ang desisyon ukol sa usapin ng kanyang kalusugan.