-- ADVERTISEMENT --

Ibinahagi ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, umaabot na sa 215 kongresista ang handang bumoto pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, batay sa kanilang konsultasyon sa Kamara.

Ang bilang na ito ay kapareho ng mga pumirma sa unang impeachment complaint noong Pebrero 2025, na kalaunan ay idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional dahil sa kakulangan ng due process.

Sa pagkakataong ito, kumpiyansa si Ridon na maiaakyat sa Senado ang Articles of Impeachment, dahil higit na ito sa 106 boto na minimum requirement para maipasa ang kaso.

Batay sa ulat ng House Committee on Justice, nakakita ng probable cause ang komite kaugnay ng mga alegasyon ng misuse ng confidential funds na umabot sa P612.5 milyon, kabilang ang P448 milyon na pinapasauli sa Bise Presidente.

Tinalakay din ang umano’y P6.7 bilyon na transaksyon na konektado sa pamilya Duterte-Carpio, pati na ang mga testimonya hinggil sa bantang ibinibigay sa ilang opisyal ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan na sa Mayo 11, 2026 ay isasagawa ang botohan sa plenaryo ng Kamara. Kapag naaprubahan, agad itong ipapadala sa Senado na siyang gaganap bilang impeachment court.

Target ng mga mambabatas na ma-transmit ang kaso sa loob ng dalawang linggo upang masimulan ang paglilitis.