Iginiit ni Tourism Secretary Christina Frasco na wala siyang planong tumakbo sa anumang posisyon sa national government, kayat wala aniyang katuturan para i-promote ang kaniyang sarili.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa isang pulong balitaan ngayong Miyerkules, Pebrero 4 matapos umani ng batikos dahil sa paggamit ng kaniyang mga larawan sa mga promotional material ng DOT.
Ibinahagi ng kalihim na tinalikuran niya ang ikatlong termino bilang alkalde ng Liloan, Cebu para magsilbi bilang kalihim ng DOT at nakakalungkot din aniya na maging ang kaniyang mga paslit na anak ay inabandona niya para sa pagsisilbi sa bansa dahil bilang tourism secretary kailangan niyang tiyakin na patuloy ang paghahatid ng tourism industry ng mga kabuhayan at trabaho.
Iginiit din ng kalihim na wala siyang ninanakaw ni piso sa kaban ng bayan at hindi nakagawa ng anumang gawain ng korapsiyon.
Binigyang diin ni Sec. Frasco na wala siyang pahintulot sa paggamit ng kaniyang mga larawan sa isang private publication. Sa halip, inihayag ng kalihim na agad niyang ipinag-utos ang imbestigasyon matapos malaman ang hinggil sa naturang publication.
Pinadalhan na aniya ng demand letter ang publication para ipaliwanag ang kanilang panig subalit wala pa silang natatanggap na tugon hanggang sa ngayon.











