Pinaputok ang kauna-unahang pag-gamit ng Tomahawk mid-range missile ng Estados Unidos sa Tacloban City bilang bahagi ng Balikatan Exercise dito sa Pilipinas.
Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Dennis Hernandez na ginamit ang Typhon Mid-Range Capability missile system upang magpalipad ng Tomahawk land attack missile mula Tacloban City, Leyte bandang alas-12:12 ng madaling araw noong Martes, na tumama sa target area nito sa Laur, Nueva Ecija dakong ala-1 ng madaling araw.
Tinatayang umabot sa humigit-kumulang 630 kilometro ang layo ng tinahak ng missile bago nito narating ang target.
Ayon kay Hernandez, isang missile lamang ang pinakawalan sa naturang pagsasanay.
Ipinaliwanag din niya na ang lokasyon sa Tacloban ay angkop para sa ganitong uri ng test dahil sa kakayahan nitong maglunsad ng missile sa mahabang distansya patungo sa target.
Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na training scenario na konektado sa Joint Pacific Multinational Readiness Center (JPMRC), na isinama sa taunang Balikatan drills.
“This is a land-based scenario… the JPMRC supports that ground activity, ground attack,” ani Hernandez.
Matatandaang ipinakita lamang noon ang naturang missile system sa mga nakaraang SALAKNIB exercises at hindi pa ito aktuwal na pinapaputok, habang pinag-aaralan pa ng mga AFP personnel ang paggamit nito.
Samantala, kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang pagpapaputok ng Tomahawk cruise missile.
Ayon kay Tinio, nakababahala ang paggamit ng Tacloban Airport bilang launch site para sa isang missile system, at hindi ito dapat ituring na ordinaryong military exercise lamang.
“The use of Tacloban Airport—a civilian facility—as a launch site for a US missile is an extremely alarming escalation,” ani Tinio.
“This is not a ‘routine exercise’; this is live-fire testing of an offensive weapon system on Philippine soi,” dadag ng kongresista.











