Napatumba ng Pinoy na si Marlon Tapales si Fernando Toro ng Venezuela matapos itong ma-knockout sa ika-anim na round ng kanilang super bantamweight bout sa “Thrilla in Manila II” na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.
Si Tapales, na kilala sa bansag na “The Nightmare” at dating kampeon sa bantamweight at super bantamweight division, ay nagpakawala ng sunod-sunod na malalakas na suntok na nagpahina kay Toro hanggang sa ito ay tuluyang bumagsak sa huling minuto ng ika-anim na round.
Hindi na nakatayo si Toro sa 10-count ng referee kaya idineklara ang laban na tapos sa 2:31 mark.
Ang pambato mula General Santos City ay may rekord na ngayon na 25 panalo, 4 talo, at 22 knockout, habang si Toro ay bumaba sa 11 panalo at 3 talo.
Sa mga unang round, palitan ng mabibigat na suntok ang naganap ngunit sa huli, pinatunayan ni Tapales ang kanyang lakas at determinasyon matapos patumbahin ang kalaban.











