Maglulunsad ang Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development ng malalimang pag-aaral sa Juvenile and Welfare Act.
Ayon sa chairman ng komite na si Sen. Erwin Tulfo, kabilang sa mga pag-aaralan ang kakulangan ng Bahay Pag-asa facilities para sa Children in Conflict with the Law at kung dapat na panagutin ang mga magulang para sa mga paglabag ng kanilang mga anak.
Bukod dito, pag-aaralan din ng panel ang minimum age of criminal responsibility na kasalukuyang nasa 15 anyos, kung ito ba ay nananatiling realistic.
Ibinahagi rin ng senador na bago pa man siya naging isang public servant, nasaksihan niya ang malupit na katotohanan ng Juvenile law. Aniya sa loob ng maraming taon, may mga biktima ng krimen na kagagawan ng mga menor de edad ang walang magawa dahil sa pagpapatupad ng Juvenile Law.
Kaugnay nito, aktibo na aniya silang komokonsulta para sa insights ng law experts, law enforcement, social welfare groups, simbahan, medical professionals at maging sa mga magulang.
Nilinaw naman ni Tulfo na target ng kanilang komite na ayusin ang broken enforcement mechanisms para mabalanse ang pagbibigay ng ganap na hustisya sa mga biktima at tunay na rehabilitasyon sa mga minor na may pananagutan.











