Pinagkokomento ng Korte Suprema si Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa petisyong inihain ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na kumukwestyon sa issuance ng probable cause sa kaniyang kasong graft at malversation kaugnay sa flood control scam.
Sa isang statement, sinabi ng korte na inaksyunan ng en banc sa sesyon nito noong Pebrero 11 ang petisyon ni Co laban sa Ombudsman at ICI at binigyan ang mga ito ng 10 araw mula nang matanggap ang notice sa petition for certiorari ni Co kabilang ang kaniyang hiling para sa pag-isyu ng temporary restraining order.
Subalit, walang inisyung TRO ang Korte Suprema. Paliwanag ng hukuman na ang kautusan ay hindi nangangahulugan na tinanggap na, inaprubahan o bibigyan ng paborableng desisyon ng korte ang petisyon ni Co kasunod ng kamakailang ruling nito sa Vallacar Transit vs Yanzon, na nagtatakda ng guidelines para sa idineklarang pugante na pinagbawalang mabigyan ng judicial relief. Ngayong buwan lamang, idineklara na ng Sandiganbayan si Co bilang isang pugante, na pinaniniwalaang nasa labas ng bansa mula pa noong nakalipas na taon.
Ngunit ikinatuwiran ni Co sa kaniyang petisyon na ang Vallacar vs Yanson ay isang exception at nananatiling “controlling rule” ang Miranda vs Tuliao, kung saan hindi kailangan ang pisikal na pag-kustodiya sa akusado para humiling ng affirmative relief.











