-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Malakanyang na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukalang anti-espionage bill na inaprubahan na ng Kamara sa third and final reading.

Bukas din ang Malacañang sa posibleng pag-amyenda sa umiiral na Anti-Espionage Law matapos maaprubahan ng Kamara sa third at final reading ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang batas laban sa espionage.

Ayon kay Presidential Communications Office at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi pa nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bersyon ng panukala na ipinasa ng Kamara kaya wala pa itong pinal na posisyon.

Gayunman, sinabi ni Castro na susuriin ng Pangulo ang nilalaman ng panukala, partikular kung kinakailangan ang mga pagbabago upang matugunan ang mga bagong paraan ng espionage at iba pang kilos na maaaring makapinsala sa seguridad ng bansa.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi nais ng Pangulo na may mga Pilipinong magtaksil sa bansa at sa kapwa Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

“Hindi natin gugustuhin iyan, hindi gugustuhin ng Pangulo na kapwa Pilipino mismo pa ang magtatraydor sa ating bansa at sa ating mga kababayan,” ani Castro.

Dagdag niya, kung makikitang makabubuti sa bansa at maayos ang nilalaman ng panukala, hindi ito hahadlangan ng Pangulo.

Sa ngayon, hinihintay pa ng Malacañang ang pinal na bersyon ng panukala bago magbigay ng mas tiyak na posisyon hinggil dito.

Kinikilala din ng Malacañang ang mga pagtutol at pangamba ng publiko sa panukalang batas kabilang ang mga usapin sa human rights at iba pang karapatang sibil.

Ayon kay Usec. Castro, karapatan ng mga tutol na ihayag ang kanilang mga objection, suhestiyon at opinyon upang maisaalang-alang at mapag-aralan sa proseso ng pagtalakay sa panukala.

Iginiit ni Castro na ang panukala ay nilalayong magsilbi sa nakararami at hindi lamang sa iilang tao.

Samantala, wala pa umanong napag-uusapan sa ngayon kung ike-certify ng Pangulo bilang urgent ang panukala sakaling umusad ito sa Senado.