Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang pagsisimula ng public consultation ng Kamara kaugnay sa panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, suportado ng Pangulo ang hakbang na ito lalo at kasama ito sa mga priority measures na itinakda ng Punong Ehekutibo.
Sinabi Castro, nais ng Pangulo na maisabatas ang naturang panukala dahil ito rin ang hangarin ng maraming mamamayan.
“Noong nabanggit po ito mismo ni Senator Risa Hontiveros sa LEDAC at nalaman po niya na nagko-conduct na po consultation, public consultation ay natuwa po ang Pangulo dahil ang nais po ng Pangulo ay maisabatas po ang nasabing bill, Anti-Political Dynasty Bill, dahil iyan din po ang nais ng ating mga kababayan,” pahayag ni USec. Claire Castro.
Samantala, kaugnay sa posibilidad na sertipikahan bilang urgent bill ang panukala, sinabi ni Castro na hihintayin muna ng Pangulo ang pinal na bersyon mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Nakabatay kasi aniya sa magiging probisyon ng panukala ang desisyon kung ito ay lalagdaan bilang urgent.
Kahapon isinagawa ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa pangunguna ni Rep. Zia Alonto Adiong ang public consultation sa siyudad ng Carmona sa Cavite ang public consultation kung saan hati ang pananaw lalo na sa mga kabataan na pabor sa Anti-Political Dynasty Bill.
“Kapag po naibigay na po iyong version ng dalawang Kongreso para po malaman kung dapat po ba itong i-certify as urgent, depende po iyan sa provision; makakaasa po kayo diyan,” dagdag pa ni USec. Castro.









