-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng National Bureau of Investigation na kanilang iimbestigahan ang notaryo sa isinumiteng joint-affidavit ng 18-nagpakilalang mga dating sundalo sa Office of the Ombudsman.

Sa panayam, ibinahagi ni NBI Dir. Atty. Melvin Matibag na sisilipin ng kawanihan maging ang pagkakanotaryo sa salaysay ng mga ito.

Nais aniya raw kasi nilang masuri at matingnan ang relasyon sa pagitan ng nagnotaryo at mga dating sundalo pati ang nasa likod na nagtutulak sa kanilang mga akusasyon.

Habang kanya namang sinegundahan ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na dapat ay mayroon magkakahiwalay na salaysay ang mga ito.

Pinagdudahan kasi ni NBI-Chief Matibag kung bakit nakapaloob sa iisang ‘joint-affidavit’ ang nalalaman ng 18-dating sundalo.

-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang opisyal na ang ‘affidavit’ ay mula sa personal na kaalaman ng isang indibidwal at mahirap matukoy kung sa maramiha’y pare-pareho ang nalalaman sa salaysay.

Kung kaya’t ipatatawag na lamang ng kawanihan ang mga ito upang ipabahagi nila ang magkakahiwalay na testimonya ukol sa mga alegasyon nagdadawit sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.