Naghain ng kasong perjury si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Nakabatay ang kaso sa sinumpaang salaysay na isinumite ni Trillanes sa House Committee on Justice noong Abril 22, 2026, kaugnay ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.
Sa naturang affidavit, inakusahan ni Trillanes si Carpio at si VP Sara Duterte na may umano’y joint bank accounts na nagkakahalaga ng higit P111 million noong 2016 at sinabing may kaugnayan daw ito sa ilegal na droga. Mariing itinanggi ito ni Carpio, at tinawag itong malicious, pekeng akusasyon at isang black propaganda lamang.
Giit pa ni Carpio, wala siyang bank account na umaabot sa P100 million at itinanggi rin niya ang anumang koneksyon sa ilegal na droga o pagtanggap ng pera mula sa sinasabing drug personality na si “Sammy Uy.”
Ayon sa kanyang reklamo, lumabag umano si Trillanes sa Article 183 ng Revised Penal Code dahil sa paggawa ng maling pahayag na kanyang sinumpaan sa komite ng Mababang Kapulungan.
Iginiit din ng kampo ni Carpio na ang mga alegasyon ay nakabatay lamang sa hearsay at walang matibay na ebidensya, at binanggit ang mga naunang desisyon at ulat ng Senado at Ombudsman na nagsabing walang sapat na basehan ang mga naunang paratang laban sa kanya.











