Umaasa si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na magagamit na sa lalong madaling panahon ang Malampaya East-1 (MAE-1) upang makatulong sa tumitinding oil crisis sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sec. Garin hinggil sa posibilidad na magamit agad ang bagong-tuklas na gas reserve kung magtatagal pa ng ilang buwan ang giyera sa Middle East, sinabi ng kalihim na umaasa siyang magagawa ito ng pamahalaan at ng mga pribadong investor, lalo na’t maayos ang takbo ng malawakang exploration at development sa Malampaya Gas Field.
Paliwanag ni Garin, nagsisilbing proteksyon sa oil industry ng Pilipinas ang Malampaya dahil mayroon na itong lokal na reserba at hindi na kailangang umangkat mula sa mga oil-producing countries.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi pa tiyak kung magiging akma ito sa energy mix ng bansa dahil kailangan pang ayusin ang lahat ng teknikal na isyu kaugnay nito.
Sa kabila nito, nakipag-ugnayan na rin umano ang pamahalaan sa mga investor ng naturang gas field upang pag-aralan kung maaari pang pabilisin ang proseso para tuluyang magamit ang bagong-tuklas na reserba.
Noong Enero 19, 2026, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakatuklas ng hanggang 98 billion cubic feet ng natural gas sa naturang lugar.
Mula noon, lalo pang pinaigting ng Armed Forces of the Philippines ang pagbabantay dito, lalo na’t malapit ito sa mga teritoryo ng Pilipinas na inaangkin ng China.
Ang Malampaya East-1 ay matatagpuan limang kilometro sa silangan ng Malampaya Gas Field.











