Mananatili pa rin sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island, ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol.
Ito ay sa kabila ng naitalang moderately explosive eruption kahapon, Pebrero 19, na tumagal ng dalawang minuto.
Nabatid na dakong alas-4:38 ng hapon, naglabas ang bulkan ng maitim na abo na umabot sa 2,000 metro mula sa crater bago tangayin patimog-kanluran.
Naitala rin ang pyroclastic density currents na bumaba sa timog at timog-kanlurang bahagi ng bulkan, hanggang isang kilometro mula sa summit crater.
Nagbabala ang PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometrong permanent danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato, at daloy ng abo.
Pinayuhan din ang mga residente at lokal na pamahalaan na maging handa sa posibleng ashfall at iba pang epekto ng aktibidad ng bulkan.
Samantala, nagpaalala ang Office of Civil Defense na manatiling alerto ang mga komunidad sa paligid ng Kanlaon at agad sumunod sa mga abiso ng awtoridad upang maiwasan ang panganib.











