GENSAN- Nagpaalala ang Office of Civil Defense-12 o OCD-12 sa publiko na maging handa sa posibleng lindol at iba pang emergency kasunod ng magnitude 5.6 na lindol na tumama sa karagatan ng Balut Island alas-4:07 ng hapon, ng Oktubre 8.
Ayon kay Beverly Ann Santos, spokesperson ng OCD-12, mahalagang tandaan ang “Duck, Cover and Hold” kapag nakaramdam ng pagyanig upang maprotektahan ang sarili laban sa posibleng mga pinsala.
Hinimok din niya ang publiko na maging pamilyar sa emergency routes sa kanilang lugar, lalo na kapag nasa mga establisyimento tulad ng mall at paaralan. Aniya, dapat tingnan at tandaan ang mga nakapaskil na emergency at evacuation maps upang malaman agad kung saan dadaan at lalabas sakaling magkaroon ng emergency.
Inirerekomenda rin ng OCD-12 ang pagkakaroon ng emergency go bag na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan para sa hindi bababa sa tatlong araw, kabilang ang first aid supplies o gamot, inuming tubig, mga pagkaing gaya ng de-lata, raincoat at kaunting pera.
Samantala, naitala ang Intensity V sa Kiamba, Sarangani at General Santos City, habang Intensity IV naman sa Alabel, Glan, Maasim, Malapatan at Malungon sa Sarangani, gayundin sa Lake Sebu, Polomolok, T’Boli at Tupi sa South Cotabato.
Ayon sa PHIVOLCS, ang naturang lindol ay aftershock ng magnitude 7.8 sa offshore Sarangani at magnitude 6.5 sa offshore Davao Occidental earthquakes noong Hunyo nitong taon.
Kasabay nito, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng General Santos City at Sarangani Province ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong eskwelahan ngayong araw, Oktubre 9, bilang pag-iingat para sa kaligtasan ng mga estudyante at school personnel.











